Asahan ng tataas pa sa mga susunod na linggo ang presyo ng mga pangunahing produktong agricultural bunsod ng tuloy-tuloy na oil price hike.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), mararamdaman ang pagtaas ng presyo ng agri-fishery products sa ikatlong linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso.
Anila, nagsimula na kasing tumaas ang farm gate price ng nasabing mga produkto.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na inaasahan na rin nila ang pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Dahil dito, pinag-aaralan na ng kagawaran ang cost structure para mabantayan kung tugma ang presyo sa merkado at hindi mananamantala ang mga negosyante.
Nabatid na kahapon ang ikapitong linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.