Inilagay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ilang espesyal na probisyon sa ilalim ng “conditional implementation sa inaprubahang 2025 General Appropriations Act.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na kabilang sa mga programang isinailalim sa “conditional implementation” ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Gayundin ang Basic Infrastructure Program ng Department of Public Works and Highways o DPWH, Support to Foreign-Assisted Projects, at pagbabayad ng retirement benefits at pensions at release ng bayad ng retirement benefits at pensions ng Office of the Ombudsman.
Kasama rin sa mga isinailalim sa “conditional implementation” ang Maintenance and Other Operating Expenses ng mabababang korte ng Hudikatura at Korte Suprema, paggamit ng sobrang kita mula sa Total Annual Tariff Revenue ng Rice Importation, Calamity Fund ng National Disaster Risk Reduction Management Program ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC.
Pati na ang Rewards and Incentives Fund ng Bureau of Customs, at Availability of Appropriations and Cash Allocations ng Kongreso.
Ayon sa kalihim, kailangan munang maglabas ng guidelines ang mga kaugnay na ahensya bago mai-release o maibigay sa kanila ang pondo.
Ito ay para matiyak aniya ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at tamang distribusyon ng pera, lalo sa mga programang may kinalaman sa pamamahagi ng tulong pinansyal.
Nanganganib namang hindi mabigyan ng pondo ang mga nasabing programa kung hindi matutupad ng mga ahensya ang itatakdang mga kondisyon.
Gayunpaman, binigyang pa rin aniya ng “go signal” ng pangulo ang ilang probisyon tulad ng pagsasaayos ng organizational structure ng Kongreso at ng kani-kanilang Electoral Tribunals at Commission on Appointments, Special Road Fund ng DPWH, at Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health o DOH.