Ilang progresibong kongresista, hinikayat ang iba pang celebrities na magsalita na rin para ilaban ang karapatan ng mga marginalized at naaabuso

Hinimok pa ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang ilang aktres na lumantad at manindigan laban sa paniniil sa mga karapatang pantao.

Ito’y matapos na balaan ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang dalawang aktress na sina Liza Soberano at 2018 Miss Universe Catriona Gray na tigilan na ang pagkiling sa mga militanteng grupo.

Ayon sa kongresista, natutuwa sila sa MAKABAYAN na ang mga tulad nila Soberano, Gray at Angel Locsin ay ginagamit ang kasikatan at impluwensya para ipaglaban ang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan.


Matatandaang sinabi na noong una ni Zarate na walang masama kung magsalita ang mga kilalang celebrities sa bansa para sa mga marginalized at biktima ng mga pang-aabuso.

Samantala, pumalag naman si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa malisyosong pahayag ni Parlade na hindi pa naman New People’s Army (NPA) si Soberano.

Iginiit ng lady solon na tigilan na ang red-tagging sa aktres na pilit na iniuugnay sa armed movement gayong ang ginawa lang naman ni Soberano ay nagsalita para sa mga kabataan at kababaihang biktima ng gender-based violence and abuse.

Facebook Comments