Umapela ang ilang bus operators sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin pa ang window hour para sa mga provincial bus na papasok sa Metro Manila.
Ito ay habang hindi pa ibinababa ng LTFRB ang resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force hinggil sa hiling ng mga provincial bus operator na makapag-terminal ulit sa loob ng National Capital Region.
Sa ngayon kasi, pinapayagan lamang makapasok ang mga provincial bus sa mga terminal nito sa EDSA mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Ayon kay Alex Yague, direktor ng Provincial Bus Operations Association of the Philippines (PBOAP), hindi kasi akma ang polisiyang ito ng MMDA sa oras ng pasok sa trabaho ng mga pasahero nilang galing pa sa mga karatig-probinsya.
Bukod sa mas napapamahal sa pamasahe, hassle din sa mga pasahero kung nagpapalipat-lipat sila ng sasakyan.
Samantala, humingi rin ng paumanhin si Yague sa mga pasaherong na-stranded sa mga terminal kahapon sa harap na rin ng ipinatutupad na window hour scheme.