Ilang pulis na sangkot sa moonlighting activities, inirekumendang masibak sa serbisyo

Inirekumenda ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP) ang tuluyang pagsibak sa serbisyo ng anim na police commissioned officers, kabilang ang police lieutenant colonel, at limang police non-commissioned officers dahil sa grave misconduct, grave dishonesty, at conduct unbecoming of a police officer.

Nag-ugat ito makaraang masangkot ang mga nabanggit na pulis sa moonlighting activities sa Ayala Alabang subdivision noong May 2024.

Ang kasong administratibo laban sa mga pulis ay makaraang magreklamo ang mga residente ng isang ekslusibong subdivision kung saan dalawang kasapi ng PNP Special Action Force (SAF) ang nagsisilbing security escorts ng isang Chinese national na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).


Napag-alaman ng Internal Affairs Service, Philippine National Police (IAS-PNP) na napapabayaan o hindi na nagagampanan ng mga pulis ang kanilang trabaho dahil sa pagsisilbi bilang security escorts na hindi naman aprubado ng Police Security and Protection Group na malinaw na paglabag sa polisiya ng Pambansang Pulisya.

Ayon pa kay PNP IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, tinangka pa ng ilang SAF officials na pagtakpan ang ilegal na aktibidad ng mga sangkot na pulis kung saan kanilang pinalabas na nasa 52nd Special Action Company Zamboanga at 55th Special Action Company Zamboanga ang dalawang SAF commandos na sangkot sa moonlighting activity.

Facebook Comments