Ilang pulis-Quezon City, inireklamo ng ‘pagsipol’ sa isang babae

Quezon City – Inireklamo ng isang dalaga ang ilang pulis sa Quezon City matapos siyang bastusin habang naglalakad sa kahabaan ng Katipunan Avenue.

Kwento ng biktimang si Hazel, naglalakad siya pauwi noong gabi ng Nobyembre 2 nang makarinig ng catcall o pagsipol mula sa mga pulis.

Aniya, dahil sa takot kaya hindi na niya nakuhaan ng larawan ang sasakyan.


Batay sa kuha ng CCTV ng barangay Escopa II sa Katipunan Avenue, dakong alas-10:28 ng gabi noong Nobyembre 2, makikita ang pagdaan ng isang police mobile.

Pero paliwanag ni Supt. Ariel Capocao, hepe ng QCPD station 8, wala sa Katipunan Avenue ang kanilang mobile noong gabi ng insidente.

Gayumpaman, nangako si Capocao na iimbestigahan nila ang nasabing paninipol.

Sa ilalim ng anti-catcalling ordinance ng lungsod, ipinagbabawal ang catcalling, stalking o pagsubaybay ng palihim, at mga offensive o nakababastos na body gestures sa kababaihan.

Mapapatawan ng P1,000 hanggang P5,000 multa o isang buwang pagkakakulong ang sinumang lalabag sa ordinansa ng lungsod.

Facebook Comments