Rosales Pangasinan – Kinagiliwan ng mga mall goers ang pagpapakitang gilas ng ilang miyembro ng kapulisan sa lalawigan pagdating sa kantahan. Pinatunayan ng mga taga Regional Mobile Force Battalion 1 na hindi lamang sa paghawak ng baril sila magaling kundi pati narin sa mikropono at music instruments.
Ito ay handog nila sa mga mamamayan sa pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Kalayaan. Ayon sa hepe ng police community relations ng Regional Mobile Force Battalion 1 na si P/Lt. Karol Elizabeth Santiago, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naimbitahan ang kanilang banda para kumanta sa isang mall.
Paraan umano nila ito upang mas mapalapit ang mamamayan sa ating kapulisan at bilang pasasalamat narin sa nasabing mall na nagbigay ng diskwento sa mga men and women in uniform. Nakiusap naman si Santiago sa mga kabaro nito na magpatuloy sa pagiging maka-Diyos, makabayan, makakalikasan, at makatao sa paglilingkod sa bayan.
Samantala ang grupo ay nagpaplano ding makakalap ng pondo bilang suporta sa isang eskwelahan na ipinapatayo sa Ilocos Norte.