Ilang pulis sa Rosales, Pangasinan na isinasangkot sa pagkamatay sa 17 anyos na Dota player, kinasuhan sa Ombudsman

Sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ang mga pulis na nakapatay sa 17 anyos na si Joshua Lacsamana sa isang police operation noong Agosto 17,2018.

Kasong murder ang isinampa ng ina ng biktima na si Ginang Christine Pascual laban sa hepe ng Rosales PNP sa Pangasinan na si Police Chief Inspector John Corpuz at sa mga tauhan nito na sina, Police Officer 2 Arvin Abella at PO2 Roy Sarmiento.

Damay din sa kaso sina PO2 Ronald Casareno, SPO3 Oliver Vingua, SPO1 Hilario Taquiqui Jr. at ang doktor na si Dr. Adan Arlie Guieb na nag autopsy sa bangkay ni Lacsamana dahil naman sa kasong Obstruction of Justice.


Ayon kay ginang Pascual, walang criminal records ang kanyang anak na residente ng Tarlac at nangyari ang insedente habang pauwi na siya mula sa Baguio kasama ang dalawang kaibigan.

Batay sa ulat ng pulisya, napatay sa isang hot pursuit operation si Lacsamana sa Rosales Pangasinan.

Supect umano ito sa ilang robbery cases sa masabing lugar at sangkot sa illegal na droga.

Sinasabi sa report na tumangging magpaaresto at pinaputukan ng binatilyo ang mga pulis kaya’t ginantihan ito at napatay.

Pero hindi kumbensido ang pamilya at nanindigan na dinukot ng mga pulis ang biktima kasama ang 15 taong gulang na si Julius Sebastian isang araw bago sinasabing napatay sa engkuwentro.

Si Sebastian ay missing pa hanggang sa kasalukuyan.

Facebook Comments