Ilang pumping stations sa Maynila na bagong gawa, hindi gumagana; state of calamity, posibleng ideklara sa mga susunod na araw

Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na ilang pumping stations ang hindi gumagana kahit bago pa lamang.

Sa ambush interview, sinabi ni Moreno na iba pa ito sa pumping stations ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na gumagana naman at napapakinabangan.

Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Moreno na barado ang karamihan sa mga imburnal sa Taft Avenue sa Maynila kaya hindi maiwasan ang pagbaha kapag umuulan.

Kagabi nang isarado ang ilang bahagi ng Taft Avenue upang silipin ang kondisyon ng mga drainage.

Ginawa ng alkalde ang pahayag sa pagbisita sa ilang evacuation centers sa lungsod.

Sa ngayon ay nasa mahigit 800 pamilya o katumbas ng 2,889 na indibidwal ang tumutuloy sa 22 evacuation centers dahil sa masamang panahon.

Wala pa namang naitatalang casualty sa lungsod dahil sa baha.

Samantala, bukas ay hihilingin na ng alkalde sa city council na magdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng malawakang pagbaha.

Facebook Comments