Muling nararanasan ng ilang Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa Dagupan City ang hirap sa pagbawi ng kanilang kita dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa unang bahagi ng Enero.
Ayon sa mga tricycle at jeepney drivers, bagamat tila maliit ang piso-pisong pagtaas sa presyo ng langis para sa iba, malaki na ito para sa kanila.
Paliwanag nila, hindi lamang isang litro ng gasolina o diesel ang kanilang kinukonsumo sa maghapong pagbiyahe, at bawas pa sa kanilang kita ang boundary na ibinabayad sa may-ari ng sasakyan.
Bukod sa langis, dagdag pa sa kanilang alalahanin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pangangailangan ng kanilang mga anak na pinapa-aral.
Sa kasalukuyan, nasa 70 centavos hanggang 1.40 pesos ang itinaas sa kada litro ng diesel, 40 centavos hanggang piso sa gasolina, at 70 centavos hanggang piso naman sa kerosene. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨