
Nagsagawa ng serye ng surprise inspection ang Department of Migrant Workers (DMW) sa ilang recruitment agency sa Ermita, Maynila ngayong Lunes ng hapon.
Tatlo sa mga ininspeksiyon ang nakitaan ng paglabag gaya ng illegal recruitment at unregistered dormitory.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, magsasampa sila ng kaso sa mga indibidwal na walang maipakitang mga dokumento.
Sa unang recruitment agency na ininspeksiyon, isang babae ang inaresto dahil sangkot sa recruitment kahit hindi rehistrado.
Habang nakatikim naman ng sermon mula sa kalihim ang ikalawang binisita dahil sa pag-o-o-perate ng dormitoryo o pansamantalang tinutuluyan ng mga aplikanteng Overseas Filipino Worker (OFW) kahit hindi nakarehistro.
May isa namang recruitment agency ang naharap din sa violation dahil sa hindi updated na listahan ng mga empleyado na nasa talaan ng DMW.
Paliwanag ni Cacdac, maaari kasing magamit ito ng mga indibidwal na nag-resign na para masangkot sa illegal recruitment.









