Ilang residente ng Sampaloc, Maynila na sumuway sa ipinatupad na hard lockdown, inaresto ng pulisya

Nasa 22 indibidwal na ang hinuli ng mga otoridad na lumabag sa quarantine protocol at ipinatupad na lockdown ng lungsod ng maynila sa Sampaloc District ngayong alas-5:00 ng umaga.

Matatandaan na ipinatupad ang hard lockdown sa Sampaloc na nagsimula alas-8:00 kagabi at magtatapos ng alas-8:00 din ng gabi Sabado, April 25, 2020

Ilan sa mga inaresto ay may kaniya-kaniyang palusot pero hindi na ito umubra sa mga tauhan ng Sampaloc Police Station.


Tinatayang nasa 482 na force multipliers ang nagbabantay sa 192 na barangay sa samp@aloc o District-4 kabilang na dito ang mga pulis ng MPD-Station 4, MPD-Smart, MPD-Swat, mga sundalo, Manila Traffic and Emforcement Unit, MTPB, mga barangay opisyal at iba pang tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

Pito sa mga nahuli ay nasa covered court ng Barangay 420, pito din sa Barangay 581 at walo sa Barangay 463 habang wala pa naman dinadala sa Barangay 424 covered court.

Dito muna sila mananatili hanggang matapos ang lockdown kung saan hindi pa natin sigurado kung anong plano ng lokal na pamahalaan ng maynila sa mga naaresto.

Kinukumpirma naman ng mga otoridad ang isang babaeng nadakip kung ito ba ay residente ng sampaloc o taga-Quezon City dahil iginigiit nito na papauwi na siya at wala pang alas-8:00 ng gabi ng siya ay nahuli.

Ngayong araw ay isasagawa ang rapid anti-body testing sa 5 community based screening centers na ang layon ay ihiwalay at suriin ang mga may active infection at matunton ang mga nakasalamuha.

Gagamit ng 500 Rapid Antibody Testing Kits ngayong Biyernes at 500 din bukas, sa pamumuno ni Dr. Aileen Lacsamana, ang director ng Ospital ng Sampaloc.

Sakaling may makikitang  positibo sa rapid antibody screening, sila ay ite-turn over kay Dr. Arnold Pangan, ang director ng Manila Health Department, para sa swab testing.

Nabatid na Pinakamarami pa din naitalang kaso ng COVID-19 ay sa sampaloc district na nasa 110 ang bilang habang 166 ang suspected cases.

Facebook Comments