ILANG RESIDENTE SA BRGY. SABANGAN, BINMALEY, NATATAKOT DAHIL SA DIREKTANG AGOS NG TUBIG DAGAT SA KANILANG KABAHAYAN

Hindi umano kinatutulugan ng ilang residente sa Brgy. Sabangan, Binmaley, ang direktang paghampas ng tubig dagat sa kanilang mga tahanan matapos lamunin ng daluyong noong kasagsagan ng Bagyong Uwan ang bundok ng buhangin na panangga mula sa alon.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, bagaman nilagyan na ng sandbag ang paligid ng kanilang mga tahanan, hindi pa rin umano sila panatag hanggang hindi nakikita na low tide na sa baybayin.

Ayon naman kay Sabangan Sangguniang Kabataan President Jervey Tabora, ‘urgent’ umano ang kanilang panawagan ng tulong dahil paano pa umano kapag muling tinamaan ng bagyo ang kanilang lugar kung sa high tide pa lamang ay sobra nang epekto ang iniinda ng mga residente.

Bilang pansamantalang solusyon, sanib-pwersa ang mga residente at barangay council sa paglalagay ng sandbag upang matakpan ang puwang na binuksan ng bagyo ngunit hindi rin umano ito tumatagal dahil sinisira rin ng dagat.

Panawagan nila ang pagpapatayo ng seawall, pagtatanim ng bakawan bilang proteksyon, at beach restoration o tambak upang maibalik ang dating distansya ng dagat sa mga kabahayan lalo at napagitnaan ang barangay ng ilog at dagat.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ang paglilinis sa mga kabahayan na napasukan ng ilang metrong buhangin.

Matatandaang binisita ng mga miyembro ng gabinete at opisyal mula sa Office of the President ang barangay dahil sa matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Uwan.

Facebook Comments