Ilang sangay ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang nagbawas ng kanilang pondo para sa 2026 matapos mabigyan ng committee-level approval ang panukalang taunang badyet na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱539 milyon, kasabay ng Annual Investment Program, sa isinagawang en banc committee hearings ngayong linggo.
Sa pagtalakay sa panukalang badyet, iniulat ng ilang departamento ang pagbabawas sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), kabilang ang pondo para sa office supplies at travel expenses.
Ayon sa mga opisyal ng mga tanggapan, hindi maaapektuhan ng mga pagbawas sa pondo ang mahahalagang serbisyo at pangunahing programa ng pamahalaang bayan.
Binigyang-diin sa pagdinig ang pangangailangan ng mas maingat na paggastos sa kabila ng limitadong pondo.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtapyas ay ang pagbaba ng bahagi ng Mangaldan sa National Tax Allotment (NTA), na nagsisilbing pangunahing pinanggagalingan ng pondo para sa mga serbisyong panlipunan at proyektong pangkaunlaran.
Ang panukalang 2026 Annual Budget at AIP ay inaasahang tatalakayin at pagbobotohan sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan sa Disyembre 22.









