Kasunod ng inaasahang pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra COVID-19 ngayong buwan ng Pebrero.
Puspusan na rin ang ginagawang pag-iikot ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Philippine Information Agency (PIA) para ipaliwanag sa mga kababayan natin ang kahalagahan ng ikakasang vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay PIA DG Undersecretary Ramon Cualoping, sa mga nakalipas na linggo sinuyod nila ang iba’t ibang lugar sa bansa kabilang ang Central Visayas, Cebu, Siquijor, Negros Oriental.
Bukas naman aniya ay susuyurin nila ang Davao at iba pang lugar sa Mindanao habang sa susunod na linggo target naman nilang bisitahin ang CARAGA region.
Katuwang ng PCOO at PIA sa “Explain, Explain, Explain” ang DOH, DSWD at DILG.
Mahalaga aniyang ipaunawa sa ating mga kababayan ang importansya ng pagpapaturok ng bakuna lalo na’t lumabas sa isang survey kamakailan na kakaunti lamang ng mga Pilipino ang nais magpabakuna.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 70 hanggang 80 milyong Pilipino ngayong taon upang makamit ang tinatawag na herd immunity.