Maghahain ng joint resolution sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senate Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar at dating Presidential Food Security Adviser Senator Francis Pangilinan.
Ito ay para ipawalang bisa o ipabasura ang Executive Order 128 na nagpapataas sa volume ng aangkating karne ng baboy at nagpapababa sa taripa o buwis na ipinapataw sa pork importation.
Ayon kay Drilon, isusulong nila sa resolusyon ang angkop na taripa para sa imported na karne ng baboy at ang makatuwirang minimum access volume o dami ng aangkating karne.
Sabi ni Drilon, batay sa Customs Modernization and Tariff Act, sa pamamagitan ng isang joint resolution ay maaring ipabawi o ipawalang-bisa ng Kongreso ang EO 128 na inilabas ng Pangulo habang naka-bakasyon ang session ng Kongreso.
Giit ni Drilon, hindi kaya ng maliliit nating hog raisers ang laban sa mga malalaking importers ng meat products habang aabot naman sa bilyun-bilyong piso ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno kapag ibinaba ang taripa sa imported na karne ng baboy.