Personal na iprinisinta ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamilya ng yumaong Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople ang pinagtibay na resolusyon ng Senado na naghahayag ng simpatya at pakikiramay para sa pumanaw na kalihim.
Kasama ni Zubiri na dumalaw sa lamay ni Sec. Ople sa Heritage Park sa Taguig City sina Senators Robinhood Padilla at Bong Go gayundin si dating Senator Kit Tatad at Senate Sgt. At Arms Ret. LtGen. Roberto Ancan.
Ibinigay ng mga senador sa anak ng Kalihim na si Estrelle Ople-Osorio ang kopya ng Senate Resolution 83 na naghahayag ng pakikidalamhati ng buong Senado sa pagpanaw ni Sec. Toots nitong August 22, 2023.
Sa maikling mensahe ni Zubiri sa pamilya ng Secretary, pinarangalan nito ang buhay at legacy ni Ople bilang kampeon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Aniya pa, laging maaalala si Sec. Toots bilang isang mabuting tao na ibinuhos ang kanyang puso at buhay sa pagsisilbi sa mga nangangailangan.
Pinatitiyak din ni Zubiri na hindi dapat makalimutan ang iniwang legacy ng Kalihim at ito’y magpapatuloy sa mahabang panahon.