
Dumipensa pa ang ilang mga senador sa naging desisyon na aprubahan ang Filipino citizenship ni Li Duan Wang o mas kilala rin sa Mark Ong.
Ayon kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, dumaan sa proseso ang pagapruba ng naturalization ni Wang matapos na katigan ito ng 200 kongresista at 19 na senador at isa lang na tumutol.
Sinabi rin nito na wala silang nakitang koneksyon ni Wang sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) o ano pa mang krimen sa bansa.
Ang nakita lang nila ay sa inuupahan ng kanilang korporasyon ay may dating POGO subalit hindi naman pwedeng iugnay ito kay Wang dahil may iba pang kilalang establisyimento na umuupa rin sa gusali at maski ang mga ito ay hindi pwedeng iugnay sa POGO.
Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na ilan sa mga nakuha nilang impormasyon ay matagal nang junket operator ng casino si Wang at hindi ng mga POGO, maraming taon na ring naninirahan sa Pilipinas, dito na rin sa bansa nagaaral ang mga anak, aktibo itong myembro ng Chinese Chamber of Commerce at Filipino Chinese Chamber at aktibong volunteer ng Association of Fire Volunteer Chiefs of the Philippines.