Hati ang reaksyon ng ilang senador sa dagdag na P40 sa sahod ng mga manggagawa sa NCR na ipinatupad ng NCR-Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Kung si Senator Jinggoy Estrada ang tatanungin, welcome development ang dagdag sa sweldo na ito sa mga manggagawa.
Aniya, patunay lamang na kinikilala rito ang pangangailangan ng mga manggagawa sa panahon na tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aminado si Estrada na hindi naman sasapat ang dagdag na P40 sa sahod kaya patuloy nilang tatalakayin sa Senado ang mga panukalang batas para sa Across-the-Board na pagtaas sa buwanang sahod ng mga manggagawa.
Kung si Senator Grace Poe naman ang tatanungin ay kulang na kulang naman ang wage hike.
Giit ni Poe, hindi sapat ang nasabing halaga para mabigyan ng dignidad at maayos na pamumuhay ang bawat manggagawang Pilipino.
Sinabi ng senadora na patuloy na napag-iiwanan ng pagtaas ng mga bilihin at petrolyo ang sweldo ng mga Pilipino.
Umaasa si Poe na ang mga kompanyang may kakayahan ay magkusa na magbigay ng dagdag allowance at non-monetary benefits sa kanilang mga manggagawa.