Hati ang ilang mga senador sa mungkahi na ibalik muna sa blended learning ang mga paaralan dahil sa matinding init ng panahon.
Kung si Senator Cynthia Villar ang tatanungin, mahirap din na magpatupad ng blended o distance learning dahil nagde-deteriorate o humihina sa pagkatuto ang mga estudyante.
Aminado si Villar na hirap siyang magdesisyon sa blended learning dahil kung sa bahay lang ang mga mag-aaral ay sino ang magsu-supervise sa mga kabataan para matiyak na talagang nag-aaral hindi tulad kung nasa paaralan ay mas displinado ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Samantala, para kay Senator Nancy Binay ay sadyang sobra na ang init lalo sa mga probinsya kaya mainam na alternatibo ang blended learning.
Magkagayunman, iminungkahi ni Binay sa Department of Education (DepEd) at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan nang repasuhin ang mga disenyo ng mga paaralan tulad ng pagpapataas sa ceiling at pagpapalaki ng mga bintana para sa mas maayos na bentilasyon ng mga silid-aralan.