Ilang senador, hinamon ang PAGCOR na pangalanan na ang dating cabinet member na sangkot sa iligal na operasyon ng ilang mga POGO

Hinamon ng mga senador ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pangalanan ang sinasabing dating miyembro ng gabinete na nagayos ng lisensya ng mga iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na natuklasang sangkot sa iba’t ibang krimen.

Giit ni Senate President Chiz Escudero, dapat pangalanan na ng PAGCOR ang naturang opisyal upang hindi na madamay at pagdudahan ang iba pang mga dating cabinet officials.

Sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat maibunyag na kung sino ang tinutukoy na dating opisyal ng gobyerno para maging patas naman para sa lahat na dating mga cabinet members at para madepensahan din ang kanilang sarili laban sa mga alegasyon.


Sinabi naman ni Senator Joel Villanueva na wala naman sila sa showbiz para gawing blind-item ang dating opisyal na sabit sa iligal na gawain ng POGO.

Nanghihinayang naman si Senator Sherwin Gatchalian na mayroon palang ganitong impormasyon ang PAGCOR pero hindi ito nababanggit sa tatlong nakalipas na mga imbestigasyon.

Facebook Comments