Ilang senador, hindi kumbinsido na bababa ang presyo ng mga bilihin sa pinalawig na EO 171

Hindi kumbinsido si Public Services Committee Chairman Senator Grace Poe na bababa ang presyo ng mga bilihin dahil pinalawig ng Pangulo ang Executive Order (EO) 171 o ang pagpapataw ng mababang taripa sa mga pangunahing pagkain na inaangkat sa bansa.

Giit ni Poe, walang kasiguraduhan na mababawasan ang mahal na presyo ng mga bilihin dahil sa pinalawig na kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Aniya, kinikilala naman ang mga ganitong pagsisikap ng pamahalaan pero kailangang suriing mabuti ang EO 171 at tingnan kung talagang nakamit ba ang layunin na pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa sa mga nakalipas na buwan.


Ipinunto ng senadora ang mataas pa ring presyo ng bigas at karneng baboy sa kabila ng pag-aangkat na ginawa ng pamahalaan upang hindi kulangin ang suplay ng pagkain.

Sa bigas lamang aniya ay maaaring mag-angkat sa Pakistan sa murang halaga kahit hindi babaan ang taripa habang pinuna naman ng senadora ang posibleng ‘profiteering’ sa mga imported na karneng baboy dahil sa kabila ng pagbaba ng ‘farmgate prices’ sa hanay ng mga hog raisers at producers ay wala namang paggalaw sa presyo ng ibinebentang pork sa mga pamilihan.

Hiniling ni Poe ang pagbuo ng polisiya para sa mas malawak at malalim na pagsusuri sa naturang pinalawig na kautusan na posibleng nakakaapekto rin sa local production, sa presyo ng produkto, consumer preference at kabuhayan ng mga tao.

Facebook Comments