Ilang senador, hindi kumbinsido sa pagtatakda ng price ceiling sa bigas

Nakukulangan ang ilang senador sa iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos na pagtatakda ng “price ceiling” sa bigas sa buong bansa para mapigilan ang pagsirit sa presyo ng nasabing produkto.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, ang pagkontrol sa presyo ng bigas ay maituturing na lunas na maaaring mas malubha pa sa sakit at isa ring trabahong tamad ang nasabing solusyon.

Sinabi ng senadora, kung may hoarders na gustong bawasan ang suplay ng bigas sa merkado at pataasin ang presyo ay dapat nahuli na ang mga ito.


Para mapatatag ang presyo ng bigas pati na ang suplay, hiniling muli ni Hontiveros ang pagrepaso sa Rice Tariffication Law pati na ang pamamalakad sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).

Pinuna naman ni Senator Chiz Escudero na batay sa batas ang paggiit ng pangulo para magpatupad ng price ceiling sa bigas ay kung may emergency o may malawakang profiteering, hoarding o manipulasyon sa presyo.

Bago aniya maresolba ang problema sa suplay at presyo ng bigas ay kailangan aminin ng gobyerno na may malawakang hoarding, profiteering at price manipulation ng bigas at saka isunod ang pagaresto at pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng problemang ito.

Pinaalalahanan din ni Escudero ng mataas na pondo ang agriculture sector upang maalis na ang matagal nang problema sa bigas.

Facebook Comments