Hindi sinusuportahan ng ilang senador ang Resolution of Both Houses No. 7 na inihain ng Kamara na nag-aamyenda sa tatlong economic provisions ng Konstitusyon.
Paliwanag ni Senator Jinggoy Estrada, hindi niya sinusuportahan ang RBH7 ng Kamara dahil nakasaad doon na kailangang magbotohan ‘jointly’ ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Giit ni Estrada, kailangang hiwalay ang botohan ng Senado at Kamara dahil wala ring saysay ang diwa ng bicameralism kung hindi ipapatupad ang ‘voting separately’.
Pagbibigay diin pa ng senador, kailangang sumunod ng Kamara sa direktibang ibinigay ng pangulo kung saan muli nitong ibinigay sa Senado ang tiwala na manguna sa pag-amyenda ng saligang batas.
Binigyang diin pa ni Estrada na bago pa man ang ‘word war’ sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay naunang sumunod na ang Senado sa panawagan ng pangulo na manguna sa panukalang Charter change.