Nagdadalawang isip ang ilang senador sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na taasan ang buwis ng mga matatamis na inumin para malabanan ang obesity.
Giit ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, mahalagang mapag-aralan munang mabuti ang panukala dahil maaari itong makaapekto sa inflation o sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Tinukoy pa ng senador na may buwis na rin naman ang mga sweetened beverage maliban sa kape at gatas.
Sinabi naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na apat na taon pa lang na nagagawa ang batas sa pagpapataw ng buwis sa mga inumin na maasukal.
Karaniwan aniyang nangangailangan pa ng sapat na panahon bago maiba ng buwis ang habit ng mga consumer at kailangan din ng suporta ng gobyerno sa sugar industry kung kapalit ng pagtataas pa sa buwis ang pagbaba ng konsumo ng asukal.
Gayunman, plano ni Gatchalian na magpatawag ng pagdinig kaugnay sa pagrepaso sa buwis sa mga matatamis na inumin at ang epekto nito sa kalusugan ng mga tao.