Manila, Philippines – Hiniling ng ilang senador na suspendihin muna ang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act.
Ayon kay Senator Richard Gordon, ang gusto lang naman kasi ng mga mambabatas ay mahigpit na ipagbawal ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Pero hindi nila maintindihan kung bakit nanganak na ito nang nanganak.
Sabi naman ni Senator. Nancy Binay, nakakalungkot lang dahil tila nawala na ang tunay na intensyon ng Anti-Distracted Driving Act.
Binatikos naman ni Senator JV Ejercito ang mga opisyal ng Department of Transportation dahil hindi naiintindihan ng mga ito ang layunin ng batas.
Kaugnay nito, nakatakda namang maghain si Binay ng resolusyon para ipatawag ang mga opisyal ng Land Transportation Office at pagpaliwanagin sa aniya’y pagpapagulo sa pinagtibay nilang batas.
Pero kung si Senator Bam aquino naman ang tatanungin, dapat bigyan muna ng pagkakataon ang R.A. 10913 na gumana.
Matatandaang sina dating Senators Sergio Osmeña, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang may-akda ng nasabing batas na pinagtibay noong nakaraang Kongreso.
Samantala, kinuwestyon naman ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang Implementing Rules and Regulation ng naturang batas.
Sa ngayon ay wala pang sagot ang DOTr sa mga pahayag ng mga senador.
DZXL558