Ilang senador, hiniling sa gobyerno na seryosohin na ang mga pangha-harass ng China sa bansa

Umapela ang ilang senador na dapat nang seryosohin ng bansa ang pinakahuling harassment na ginawa ng China sa Pilipinas.

Ito ay kung saan hinarang at binombahan ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal habang ito’y nasa gitna ng pag-escort sa chartered boats ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa resupply mission sa mga tropa ng militar sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Senate Committee on National Defense Chairman Senator Jinggoy Estrada, dapat nang seryosohing ikonsidera at aksyunan kaagad ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Senate Resolution 718 na nagpapahayag ng mariing pagkundena ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa patuloy na pangha-harass at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS).


Giit pa ni Estrada, sobra at tama na ang China dahil malinaw naman sa mga aksyon nito na hindi iginagalang ng nasabing bansa ang ating PCG at ang karapatan natin sa soberenya ng bansa.

Sinabi naman ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, maraming dapat na ipaliwanag sa nangyaring insidente ang ambassador ng China sa Pilipinas.

Ipinarerekonsidera rin ni Revilla sa China ang pamamaraan at mga kalokohang ginagawa nito sa bansa kung sinsero pa silang ituloy ang relasyon sa Pilipinas.

Giit pa ng senador, hindi kailanman yuyuko at matitinag ang bansa sa mga pananakot ng China at patuloy tayong maninindigan sa bayan at sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Facebook Comments