
Naghain na ng kanya-kanyang bersyon ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill sina Senators Ping Lacson, Robinhood Padilla, at Kiko Pangilinan.
Layon ng panukalang batas na ipagbawal ang magkakasabay na panunungkulan sa gobyerno ng mga magkakamag-anak sa bansa.
Sa magkakahiwalay na panukala, ipagbabawal na sabay-sabay na kumandidato para sa lokal na posisyon sa isang bayan, syudad o lalawigan ang mag-asawa at kanilang mga anak hanggang sa second degree, ito man ay lehitimo at hindi lehitimo, full o half blood.
Tinukoy ni Padilla sa nakalap na impormasyon na 87% ng mga governor ay may kaanak sa gobyerno, 72% ng mga vice governor ay produkto ng political dynasty, at 53% ng mga naupong alkalde ay mula rin sa dynasty.
Mayroon ding pag-aaral noong 2013 na tinukoy na mas mataas ang krimen, poor governance, at mabagal ang paggugol sa employment, infrastructures at health care ng mga lugar na may political dynasties kahit pa malaki ang alokasyon para sa congressional funds.









