Ilang senador, isinusulong ang pagsertipika ng pangulo sa national land-use act na makakatulong mabawasan ang pinsala tuwing may kalamidad

Iginiit ng ilang mga senador na napapanahon na para maging ganap na batas ang isinusulong na National Land-Use Act.

Suportado nina Senators Kiko Pangilinan at Erwin Tulfo ang panawagan na sertipikahang urgent ng pangulo ang naturang panukalang batas upang maiwasan ang matindi at malawakang pinsala ng mga bagyo na nananalasa sa bansa.

Itinutulak ni Pangilinan ang agarang pagpapasa ng panukalang batas na dadaan pa sa pagdinig ng Senate Committee on Environment.

Sa ilalim ng National Land Use Act of 2025, isusulong dito ang paglikha ng National Geo-hazard Mapping Program kung saan tutukuyin ang mga lugar na lantad sa pagbaha, pagguho ng lupa, ground rupturing, sinkhole collapse, tsunami, river erosion at iba pang natural hazards.

Ipinunto naman ni Sen. Erwin na noon pa isinusulong ang panukala na dapat noon pa naipasa ng Kongreso.

Naniniwala ang senador na ang National Land-Used Act ang magiging daan sa “proper land-use planning” bagay na mahalaga para sa disaster risk reduction, climate resilience at environmental integrity.

Facebook Comments