Malaki ang duda ng ilang mga senador na ang Kamara ang nasa likod ng kumakalat na balitang patatalsikin si Senate President Juan Miguel Zubiri sa kanyang pwesto bunsod na rin ng isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ayon kay Zubiri, siya ay nagsisilbi sa kagustuhan ng kanyang mga kasamahang senador at ipinauubaya niya sa ‘wisdom’ ng mga kasamahan sa mayorya ang kanyang leadership.
Naniniwala si Zubiri na mayroong concerted effort o pagkilos para sirain ng tuluyan ang Senado at sa katunayan ay noong nakaraang linggo pa niya nalaman ang lumutang na balitang kudeta laban sa kanya.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na bagama’t ayaw niyang mag-speculate ay batid naman kung saan nanggagaling ang mga hirit at mga ganitong birada na pati ang posisyon ng kanilang Senate President ay iintrigahin pa para mahati lamang ang institusyon.
Samantala, tinukoy rin ni Senator JV Ejercito ang Kamara na siyang pinanggalingan ng oust plot laban kay Zubiri dahil mayroong hindi pinagkakasunduan ang dalawang kapulungan at walang ibang hangad ang isyu kundi hatiin at talunin ang Senado.