Mariing kinukondena ng ilang mga senador ang panibagong water cannon incident ng China Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Panatag Shoal.
Ayon kay Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada, kinukondena nila ang patuloy na marahas na aksyon ng Chinese naval forces na inilalagay ang buhay ng ating mga kababayan sa panganib sa pamamagitan ng water cannon.
Iginiit ng senador na ang panghihimasok ng China sa ating routine at mga legal na aktibidad sa loob ng ating teritoryo ay hindi katanggap-tanggap at dapat na mahinto na agad.
Muling hinimok ni Estrada ang gobyerno ng China na tumalima sa international law, matutong huminahon at iwasan ang mga hakbang na magdadala ng banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Binigyang-diin naman ni Senator Francis Tolentino, Chairman ng Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones, na hindi dapat makasagabal sa paggawa ng gobyerno ng tama ,ngayon at sa hinaharap, ang patuloy na karahasan ng China sa ating mga barko.