Sang-ayon si Senator Francis Tolentino sa posisyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong ” Marcos Jr., na dapat ay pag-aralan munang mabuti ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at ang epekto nito sa mga magsasaka.
Giit ni Tolentino, makabubuting mabigyan ang susunod na administrasyon ng pagkakataon na mabusising mabuti ang RCEP lalo na ang tungkol sa agrikultura.
Si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, kumbinsido rin na kailangan pang pagdebatehan at busisiing mabuti ang RCEF na itinuturing na pinakamalaking kasunduan ng iba’t ibang bansa ukol sa maluwag na kalakalan.
Sa tingin din ni Sotto, malabo ng maaprubahan ng Senado ang RCEP dahil magsasara na ang kanilang session sa susunod na linggo.
Paliwanag naman ni Committee on Foreign Relations Chairman Senator Aquilino Martin “Koko” Pimentel, matapos isulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RCEP, ay trabaho na idepensa ito sa plenaryo.
Kaugnay nito ay sinabi ni Pimentel na naghahanda na sila para sa plenary debates ukol dito.