Ilang senador, laking panghihinayang na hindi kasama ang online gambling sa SONA ni PBBM

Screenshot from RTVMalacañang

Nanghihinayang ang ilang mga senador na hindi kasama sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ang isyu sa online gambling.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros na isa sa naghain ng panukala para limitahan at i-ban ang koneksyon ng mga e-wallets sa mga online gambling platforms, missed opportunity ito kaya sayang na hindi nabanggit sa SONA.

Sinabi naman ni Senator Pia Cayetano na umasa siyang mababanggit ni Pangulong Marcos ang online gambling dahil sa laki ng problema idinulot nito sa mga komunidad.

Aniya, para na itong sakit na nakakasira sa mga pamilya at hanap buhay dahil ngayon sa cellphone na lamang ay makakapagsugal na at ito ay maituturing na “worst combination” ng addiction.

Labis din ang hinayang ni Senator JV Ejercito dahil isa ang panukalang pagbabawal sa online gambling sa kanyang priority measures kung saan hindi tulad sa POGO na mga dayuhan ang target, sa online gambling ay mga Pilipino ang nagiging biktima.

Gayunman, nauunawaan ni Ejercito na posibleng sa dami ng proyekto, programa at mga problema sa bansa kaya batid niyang may nakakalimutan din ang Pangulo.

Facebook Comments