Gusto ng ilang senador na ituloy ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa kabila ng inihaing panukalang batas ni Senate President Chiz Escudero na nagpapaliban sa BARMM elections hanggang sa May 2026.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat na matuloy ang halalan BARMM sa susunod na taon.
Aniya, hindi pa niya nakikita o nababasa ang inihaing panukala pero magkakaroon na ng pagdinig dito sa Huwebes at makikinig muna aniya siya rito.
Sinabi ni Senator Imee Marcos na tutol siya sa panukalang ipagpaliban ang BARMM elections at para sa kanya kailangang marinig na ang tinig ng mga kapatid na Muslim at hayaan na silang makaboto ng mga kandidatong gusto nilang mamuno sa kanilang rehiyon.
Aniya pa, malaki kasi ang perang nasa BARMM kaya pinag-iinteresan ng marami at nais na manatili habambuhay sa pwesto.
Mula aniya sa simula ay umabot na sa P490 billion ang nailabas na pondo sa BARMM at higit P70 billion na block grant kada taon ang naipagkakaloob sa rehiyon kaya pinag-iinitan ito.