Ilang senador, may agam-agam sa kasunduan ng NICA at NGCP para labanan ang cyber-attack sa power grid

Nag-aalinlangan ang ilang mga senador sa paglagda ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa isang kasunduan para labanan ang cyber-attack sa power grid.

Ito ay dahil pagmamay-ari ng China ang 40 percent ng NGCP na bukod tanging pasilidad sa bansa na nagpapadaloy ng kuryente mula sa mga planta patungo sa mga distributor ng kuryente.

Para kay Senator JV Ejercito, mahirap pagkatiwalaan ang China dahil sa ginagawa nito sa West Philippine Sea at patuloy na hindi pagkilala sa mga diplomatic protest ng bansa.


Pinapabawi ni Ejercito sa gobyerno ang pagmamay-ari at kontrol sa NGCP dahil sa isang iglap ay pwede nito iparalisa ang operasyon sa bansa dahil dayuhan ang humahawak ng napakasensitibong pasilidad.

Nababahala naman si Senator Risa Hontiveros na manatiling target ng cyber threats ang power grid ng bansa kung hindi masisiguro na may kontrol dito ang ating gobyerno.

Umaasa na lamang si Hontiveros na sa pamamagitan ng nasabing kasunduan ng NICA at NGCP ay ma-o-audit ng gobyerno kung talagang Pilipinong kumpanya ang nagmamay-ari ng 60 percent ng NGCP at hindi ang mga kasosyong Chinese company.

Facebook Comments