Sobrang dismayado si Senator Risa Hontiveros na kilalang nagsusulong ng Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics o SOGIESC Bill sa Senado kaugnay sa nag-viral na performance ng isang drag queen habang kumakanta ito sa isang bar ng dasal na “Ama Namin”.
Ayon kay Hontiveros, bilang isang mananampalataya ay aminado siyang nakakalungkot ang pangyayari.
Magkagayunman, umaapela si Hontiveros na huwag sanang gamitin ang insidente para maipagkait ang karapatan na matagal nang ipinaglalaban ng LGBTQIA+ members at aniya hindi lahat ng nasa community ay natutuwa at sila ay katulad din nating mananampalataya na lubhang dismayado rin sa ginawa ng drag queen.
Sa panig naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, malaking insulto at kalapastanganan sa Diyos ang paggamit ng kanyang salita para lamang sa sinasabing ‘entertainment’.
Punto ni Villanueva, hindi kailanman maituturing na isang “art” ang gawing katatawanan ang salita ng Diyos kasabay ng paalala sa lahat na ang isang gawaing nagresulta sa mockery o pangungutya sa pananampalataya ay may katapat na parusa sa ilalim ng Article 201 ng Revised Penal Code.
Paalala pa ni Villanueva, na maging responsable sa mga gusto nating ihayag at gawin at hindi dapat tayo ang mag-adjust sa isang gawaing nagpapakita ng tahasang kawalan ng respeto sa kahit anong sektor o paniniwala.
Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ang pagiging creative o malikhain tulad ng sinasabi ng drag queen ay hindi nangangahulugan ng pagiging matapang na nakakasakit na sa damdamin ng mga tao.
Aniya pa ang tunay na test sa pagiging malikhain ay iyong nakakakuha ka ng paghanga sa mga tao dahil sa kamangha-manghang obra o gawa at hindi katulad ng ginawa ng kontrobersyal na drag queen.