Ilang senador, nadismaya sa pahayag ni Pangulong Duterte na wala siyang magagawa sa West Philippine Sea

Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay inutile o walang magagawa kaugnay sa West Philippine Sea dahil hindi natin kayang makipag-gera sa China.

Nanindigan si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat ay ipaglaban natin ang legal na karapatan sa West Philippine Sea kahit sa diplomatikong pamamaraan.

Diin ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, kahit kelan ay hindi naging inutile ang Pilipinas at hindi natin dapat ipakita na tayo ay walang magagawa upang hindi umatras ang mga kakampi nating bansa.


Hindi naman ikinasorpresa ni Senator Sonny Angara ang sinabi ni Pangulong Duterte dahil noon pa man ay nakakiling na talaga ito sa China at ayaw ng komprontasyon.

Para kay Senator Richard Gordon, mas maigi pang hindi na lang ito binanggit ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) dahil nakakababa ito para sa atin habang itinataas ang China na hiningan pa ng discount sa COVID-19 vaccine.

Hindi katanggap-tanggap at nagpapakita ng kaduwagan para kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pahayag ni Pangulong Duterte.

Giit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi dapat sukuan ng Pilipinas ang pakikipaglaban para sa ating teritoryo katulad ng pagpalag ng Vietnam sa China.

Facebook Comments