Naging abala sina Senators Francis Tolentino, Ronald Bato Dela Rosa at Christopher Bong Go sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao at pag-inspeksyon sa mga lugar na napinsala.
Namahagi ng tent si Senator Tolentino sa mga binisita niyang evacuation centers sa Magsaysay, Davao del Sur; Makilala at Tulunan sa North Cotabato at Kidapawan City.
Si Senator Dela Rosa naman ay nagbigay ng mga relief goods sa mga biktima ng lindol sa Magsaysay, Davao del Sur at kanya ding binisita ang Ecoland 4000 Condominium sa Davao na kamuntikan nang gumuho sa lakas ng pagyanig.
Si Dela Rosa ay nasa bahay niya sa Santa Cruz, Davao del Sur nang maganap ang lindol at sa lakas nito ay para aniyang may pagsabog na naganap.
Samantala, nagsagawa naman ng pag-inspeksyon sa Ecoland 4000 Condominium si Senator Bong Go kasama si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon kay Go, ang malaking pinsala sa naturang condominium at iba pang establisyemento sa Mindanao ay patunay na kailangang ng amyendahan ang National Building Code.