Nagpahayag ng suporta ang ilang mga senador kay Tourism Secretary Christina Frasco sa kabila ng kahihiyan na inabot ng ahensya sa ad campaign nito para sa paglulunsad ng bagong tourism slogan na “Love the Philippines”.
Ayon kay Sen. Sonny, bigyan pa ng pagkakataon si Frasco sa ahensya lalo’t mabilis namang tinugunan ng kalihim ang nasabing isyu.
Aniya, ang kontrobersiya na kinasangkutan sa “Love the Philippines” campaign ng Department of Tourism (DOT) ay hindi dapat makaapekto sa accomplishments ni Frasco para sa muling pagbangon ng turismo sa bansa lalo na matapos ang pandemya.
Batid ng senador na malinaw na may mga isyu sa kinuhang advertising agency ng DOT pero ang mahalaga aniya ay mabilis na tinugunan ni Sec. Frasco ang problema at tiniyak din ng kalihim na walang nasayang na public funds sa proyektong ito.
Ganito rin ang sentimyento ni Senator Jinggoy Estrada, kung saan ang mabilis na pag-ako sa kahihiyan at pagkilos ni Sec. Frasco para bawiin ang promotional video ay nagpapakita ng dedikasyon nito sa pagpapanatili ng integridad ng industriya ng turismo.
Dagdag pa ni Estrada, ang paraan ng pagharap ni Frasco sa nangyaring problema ay parehong kahanga-hanga at kailangan at sa pamamagitan lang din ng proactive na mga pamamaraan ay maipagpapatuloy natin ang pagsusulong sa bansa bilang isang premier tourist destination.