
Inilabas na rin nina Senate President Tito Sotto III at Senator Robinhood Padilla ang kanilang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ito ay kasunod ng pag-alis ng Office of the Ombudsman sa restriction kaugnay sa paglalabas ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno.
Si Sotto ay nagdeklara ng higit P465 million assets, liabilities na aabot ng P276.7 million, at may total net worth na higit P188 million as of June 30, 2025.
May mga idineklarang house and lot, condominium, cash, sporting equipment, mga kotse, at service vehicles ang Senate President.
Nakadeklara rin ang mga business interests tulad ng VST Production Specialists at TVJ Productions, gayundin ang mga kamag-anak na nasa pamahalaan.
Samantala, si Padilla naman ay nagdeklara sa SALN ng assets at net worth na higit P244 million at wala itong mga utang o liabilities.
Nakadeklara din kay Padilla ang mga real properties, personal properties, bank deposits, mga baril, at business interests sa motion video production and distribution, pati na rin sa retail business ng kanyang asawa.
Nakalagay rin sa SALN ng mambabatas ang ilang mga kamag-anak na matataas na opisyal sa lokal na pamahalaan at ang pamangkin na kanyang staff.









