Ilang senador, nagsibilihan na ng sariling baril pandagdag proteksyon

Dahil sa pangamba ng sunud-sunod na pananambang at pagpatay sa ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, nagsisibilihan na ng sariling mga baril ang ilan sa mga senador.

Ito ang inihayag ni Senator Ronald “Bato “Dela Rosa matapos ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa kanyang tahanan habang namimigay ito ng ayuda sa mga constituents.

Sinabi ni dela Rosa na yung mga senador na noon ay ayaw ng armas, ngayon ay napilitan nang bumili ng sariling baril para sa dagdag na proteksyon.


Pinayuhan naman ni dela Rosa ang mga kasamahang senador na magsanay bumaril upang laging handa dahil hindi naman alam kung kailan nila kakailanganing gamitin ito.

Dagdag pa rito ang payo niya na paigtingin ng bawat mambabatas ang kanilang seguridad.

Aniya pa, kung ang isang gobernador ay nagawang patayin sa loob ng pamamahay nito ay hindi rin ito malabong mangyari kahit kanino at kahit ang mga senador ay hindi exempted sa ganitong klase ng karahasan.

Posibleng sa susunod na linggo ay magpatawag na ng imbestigasyon ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni dela Rosa para siyasatin ang serye ng pagpaslang sa mga opisyal ng mga local government units.

Facebook Comments