
Kinumpirma ni Senator-elect Ping Lacson na may nakuha siyang kopya ng draft resolution na nagpapa-dismiss o nagpapabasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, “undated, unnumbered at unauthored” ang nakuha niyang kopya ng resolusyon at taga Senado ang nagpadala sa kanya nito.
Sinabi ni Lacson na ang nakarating sa kanya ay may iniikot na resolusyon na dapat lagdaan ng hindi bababa sa 13 senador.
Gayunman, hindi pwedeng basahin sa plenaryo ang draft resolution kung wala pa itong may-akda at hindi ito masasabing pinal kung hindi pa nai-re-refer sa nararapat na komite.
Kailangan din munang maglabas ng committee report na pirmado ng mayorya ng komite, dumaan sa debate at saka i-a-adopt o aaprubahan sa plenaryo.
Samantala, kinumpirma rin ni Senator Imee Marcos na nakita niya na ang sinasabing resolusyon at katunayan pangatlo na ito sa bersyon na kanyang nakita.
Dagdag pa ni Sen. Imee, marami itong bersyon at maraming draft ng resolusyon na iba-iba ang pakay at lahat ng bersyon ay naghahanap ng pinakamabisa at pinakanaayon sa batas at walang butas na solusyon sa impeachment case laban kay VP Sara.









