Ilang senador, naniniwalang panahon na para paalisin na ang mga POGO sa bansa

Kumbinsido ang ilang mga senador na panahon na para alisin ang mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators sa Pilipinas.

Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go na kabilang sa mga senador na lumagda sa committee report no. 136, kung mapag-aralan ng mabuti ay suportado niya ang total ban ng mga POGO sa bansa.

Sinabi ni Go na kung apektado na ang kapayapaan at kaayusan sa bansa at nanganganib na ang buhay ng bawat Pilipino ay sinusuportahan niya ang dahan-dahan na pagpapaalis ng mga POGO.


Kailangan lamang aniyang tiyakin na may ipapalit na hanapbuhay para sa mga kababayang mawawalan ng trabaho dahil dito.

Samantala, si Senator Imee Marcos na hindi naman lumagda sa committee report, nagpahayag na mahalagang mapanagot ang mga operators ng POGO.

Mahalaga aniya na mabigyan ng ngipin ang mga awtoridad na huhuli sa mga POGO operators lalo’t malalaking tao at hindi lang basta sindikato ang nasa likod ng mga ito.

Facebook Comments