Ilang senador, naniniwalang pinupulitika na lamang ang imbestigasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy

Naniniwala ang ilang mga senador na mistulang napu-pulitika na lamang ang imbestigasyon ng Senado laban kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, nagiging politikal na ang mga alegasyon laban kay Quiboloy dahil mayroon namang korte kung saan pwedeng maghain ng kaso ang mga nagrereklamo.

Kinukwestyon din ni Dela Rosa kung anong makukuha o maaaring gawing batas ng Senado sa pagpapaimbestiga kay Quiboloy gayong wala namang pagkakamali na ginawa ang PNP sa paghawak ng kaso at wala rin namang mali ang DOJ sa gagawing imbestigasyon sa isinampang reklamo sa pastor.


Maging si Senator Cynthia Villar ay naunang nabanggit na matagal niya nang kilala at kaibigan si Quiboloy at naniniwala rin na hindi magagawa ng pastor ang mga krimen na ibinabato sa kanya.

Samantala, umaasa naman si Senator Robin Padilla na bago mag-March 12 ay makakakalap siya ng pitong pirma para baligtarin ang mosyon ni Senator Risa Hontiveros at maharang ang pagpapaaresto ng Mataas na Kapulungan kay Quiboloy.

Facebook Comments