Ilang senador, pabor na gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face masks outdoor o sa open spaces

Pinaburan ng ilang mga senador ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask “outdoor” o sa “open spaces”.

Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, dahil ito ay rekomendasyon na ng IATF, nangangahulugan lamang na ligtas na ang paglabas kahit walang suot na face mask.

Sinabi pa ng senador na basta’t fully vaccinated na laban sa COVID-19 ay hindi na siguro mangangailangan pa ng pagsusuot ng face masks sa labas.


Sang-ayon din dito si Senator JV Ejercito dahil naniniwala siyang kailangan lamang magsuot ng face mask sa indoors o closed spaces na maraming mga tao pero ang desisyon at pagtalakay sa pagsusuot ng face mask ay depende pa rin sa bawat indibidwal.

Kinatigan din ito ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel at sinabing ang ‘optional’ na pagsusuot ng face masks sa outdoors ay isang tamang hakbang.

Kung si Senator Ronald “Bato” dela Rosa naman ang tatanungin, bagama’t batid niya na ang mungkahing ito ay pinag-aralan ng IATF ay ayaw at takot pa siya na magtanggal ng face masks kahit sa open areas.

Facebook Comments