Ilang senador, pabor na ipagbawal ang pagpapalabas ng pelikulang ‘Barbie’ sa bansa

Sang-ayon ang ilang mga senador na tuluyang ipagbawal ang pagpapalabas sa bansa ng international movie na “Barbie”.

Unang na-ban ang pagpapalabas ng nasabing pelikula sa Vietnam dahil sa isang eksena na nagpapakita ng isang mapa na naroon ang ‘nine-dash line’ ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, kung ang walang-saysay na nine-dash line ng China ay ipinakita sa pelikulang Barbie, nararapat lamang na i-ban ang pagpapalabas nito sa bansa dahil inaapakan nito ang soberenya ng Pilipinas.


Makatwiran aniya ang pagbabawal sa local distribution ng pelikula dahil ang ipinakita na 9-dash line ay taliwas sa katotohanan at ipinawalang-bisa na ng arbitral court noon pang 2016.

Samantala, minaliit naman ni Senator Risa Hontiveros ang isyu at sinabing ‘fiction’ o kathang-isip lamang ang pelikula gayundin ang nine-dash line ng China.

Kaya naman, kung matuloy ang pagpapalabas ng pelikulang Barbie sa bansa ay dapat isama rito ang isang ‘disclaimer’ na nagsasabing ang nine-dash line na mapapanood sa pelikula ay likha lamang ng imahinasyon ng China.

Nauna rito ay kinumpirma ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na sumailalim na sa kanilang review ngayong araw ang Barbie movie at nasa punto pa ng deliberasyon ang ahensya kung papayagan ang Warner Brothers na ipalabas ang pelikula sa Pilipinas.

Facebook Comments