Pabor si Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na maibalik sa dati ang school calendar ng mga paaralan o mula sa kasalukuyang pasukan sa Agosto ay ibalik na ito sa Hunyo.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang nangyaring insidente sa isang paaralan sa Laguna kung saan halos isandaang estudyante ang naospital matapos ang ginawang fire drill.
Giit ni Gatchalian, unang ini-adjust ang schedule ng pagbubukas ng school year bunsod ng pag-iingat sa COVID-19 pandemic.
At ngayong bumabalik na sa normal ang sitwasyon, sinabi ni Gatchalian na mainam kung balik na rin sa dati ang school calendar.
Ilan sa mga ipinakokonsidera ni Gatchalian na dahilan para ilipat ang school calendar ay dahil sa panahon ng tag-init kung kailan dapat hayaan ang mga mag-aaral na makapagpahinga at makasama ang pamilya, dagdag pa ang panahon ng halalan na tuwing summer season ginagawa.
Aminado naman ang senador na mangangailangan muli ng unti-unting transition sa pagbabalik sa dati ng school calendar pero mas dapat pa rin itong gawin.