Pinababawi sa Malacañang nina Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Franklin Drilon, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan ang Executive Order (EO) 135 na nagbababa sa taripa ng bigas sa 35% mula sa dating 40 hanggang 50%.
Sa Senate Resolution 726, iginiit ng mga senador na walang sapat na basehan para bawasan ang taripa ng bigas at magreresulta lang ito sa paghihirap ng mga lokal na magpapalay.
Bukod sa masasanay lang ang bansa sa pag-angkat ng bigas, malaki rin anila ang mawawalang kita ng gobyerno sa taripa ng bigas.
Ang resolusyon ay ibinase sa report ng Tariff Commission at Philippine Statistics Authority (PSA).
Nauna nang kinuwestiyon ng Federation of Free Farmers (FFF) ang basehan ng pagbababa sa taripa ng bigas matapos ihayag ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay nito dahil sa magandang ani noong 2020.