Hinimok ng ilang senador na tingnan ng Philippine National Police (PNP) ang mga posibleng krimen na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Duda kasi ang ilang mga mambabatas na may kaugnayan sa sindikato sa POGO ang pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman sa Quezon City.
Nananawagan si House Majority Leader Senator Joel Villanueva sa PNP na tingnan ang lahat ng posibleng anggulo sa imbestigasyon upang agad na maibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima.
Ayon kay Villanueva, ang mga ganitong insidente ay lumilikha ng takot sa mga mamamayan at nangangamba para sa kanilang seguridad at kapanatagan ng isipan.
Aniya pa, hanggang nitong September 2022, nakapagtala ang PNP ng 27 kidnapping cases kung saan 15 dito ay POGO-related cases, 11 ang kidnap-for-ransom cases at isang casino-related case.
Hiniling naman ni Senator Sherwin Gatchalian sa PNP na tutukan ang mga POGO at ang mga indibidwal na nasa likod ng kahina-hinalang negosyong ito.
Sinabi ni Gatchalian na ang pinakakinatatakutan na balingan ng mga sindikato ang mga local businessmen ay nagsisimula nang mangyari.
Ito aniya ang isa sa dahilan kaya dapat na patuloy na ipaglaban ang kaligtasan ng mga komunidad lalo’t ang POGO ang isa sa ginagawang paraan ng mga criminal syndicates para makapasok sa bansa.