Pumalag ang ilang mga may-akda ng panukalang Mandatory ROTC Act sa Senado hinggil sa mga panawagan ng ilang grupo na ibasura ang isinusulong na muling pagbuhay ng ROTC sa mga paaralan.
Kasunod ng pagkasawi dahil sa hazing ng Adamson University student na si John Matthew Salilig, inuugnay ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang ROTC sa mga karahasan na nangyayari sa mga paaralan tulad ng hazing kaya ipinanawagan ng mga ito ang pagbasura sa planong buhayin ang programa.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang panawagan para pigilin ang pagbabalik ng ROTC sa mga eskwelahan ay isang desperadong hakbang ng mga anti-ROTC na makakaliwang grupo.
Iginiit ni Dela Rosa na napakalayo ng koneksyon sa pagpanaw ni Salilig sa isinusulong na Mandatory ROTC dahil ang biktima ay namatay sa fraternity hazing at hindi dahil sa ROTC training.
Ginagamit lamang aniya ng mga kontra sa panukala ang pagkamatay ni Salilig para harangin at hindi matuloy ang panukala para sa muling pagbuhay ng ROTC.
Katwiran naman ni Senator Sherwin Gatchalian, may-akda rin ng Mandatory ROTC sa Senado, ang pagkamatay ni Salilig sa hazing ay kagagawan ng mga indibidwal na walang respeto sa batas.
Iba aniya ang ROTC na ang layunin ay itanim sa isipan ng mga kabataan ang disiplina at pagiging mabuting mamamayan ng bansa.
Sa ganito aniyang mga insidente ay makikita na mas kailangan ang ROTC upang maturuan ang mga kabataan na galangin ang bansa at ang kapwa.